MANILA, Philippines — Balik na ang Barangay Ginebra para sa misyong masungkit ang 2020 PBA Philippine Cup.
Lagpas isang buwang nagpahinga ang Gin Kings matapos makuha ang 2019 PBA Governors’ Cup championship sa ikatlong beses sa nakalipas na apat na taon.
Nagwagi na rin sila ng Commissioner’s Cup trophy noong 2018 kaya’t desidido nang manalo sa wakas sa All-Filipino Conference sa ilalim ni coach Tim Cone.
Noong 2007 pa huling nanalo ng Philippine Cup title ang Ginebra.
Subalit ngayon, kailangan nilang gawin iyon nang wala ang pambatong sentro na si Greg Slaughter.
Tumanggi munang magpakausap si Cone at ang Ginebra kaugnay ng sitwasyon ng 7’0 big man.
Matatandaang nitong buwan ay biglaang nag-anunsyo si Slaughter ng paghinto muna sa basketball kasabay ng pagkakapaso ng kontrata niya sa Gin Kings.
Nitong mga nakaraang buwan ay napasentro si Slaughter sa trade talks kasama ang Northport big man na si Christian Standhardinger.
Nauna nang sinabi ni Cone na makikipag-usap siya kay Slaughter tungkol sa desisyon nila at magiging susunod na hakbang lalo’t malaking bahagi siya ng pag-angat ng Ginebra sa nakalipas na mga taon.
Bagama’t walang kontrata ngayon sa Ginebra, nanatili sa koponan ang rights ni Slaughter.
Samantala, nasiguro na ng Gin Kings ang serbisyo ng mga rookies na sina Arvin Tolentino at Jerrick Balanza.
Napapirma na rin ng isang taong kontrata kahapon ang Letran stalwart na si Balanza, kasunod ng naunang pagpapirma kay FEU standout Tolentino. Tanging si Kent Salado na lamang ang hindi pa nagkakaroon ng kontrata sa koponan.
Makukuha nila ang bakanteng roster spots ng koponan kasunod ng pagpapakawala kina Teytey Teodoro at Julian Sargent.