B.E.S.T tankers kumuha ng 18 medalya
MANILA, Philippines — Kabuuang 18 medalya, kasama ang walong ginto, ang nalangoy ng Philippine B.E.S.T (Behrouz Elite Swim Team) junior squad sa katatapos na 2020 Tokyo Swimming Winter Championships sa St. Mary’s International School sa Setagaya, Tokyo, Japan.
Pinamunuan ni Cambodia-based Enkhmend Enkmend ang pananalasa ng koponan sa hinablot na tatlong gold medals.
Nanguna ang 10-anyos na si Enkmend sa boy’s 9-10 class 100-meter breaststroke sa bilis na isang minuto at 33.75 segundo.
Naghari rin ang Grade 6 student ng Panyathip International School sa Cambodia sa 200m Individual Medley at 50m breaststroke events.
Hinirang si Enkmend bilang Most Outstanding Swimmer sa boys 9-10 category.
“It’s a huge effort on the part of our young swimmers with the strict guidance of head coach Rossbenor Antay and Johnson Maulion as well as delegation head Marilet Basa,” sabi ni team manager Joan Mojdeh. “We are so very proud. Iyon talaga ang target namin na makakuha sila ng experience.”
Kasama ang Philippine B.E.S.T Team sa Philippine Swimming Inc. (PSI) at suportado ng Behrouz Persian Cuisine sa pakikipagtulungan ng Filipino-Japanese Community na pinamumunuan nina Myles Briones-Beltran at Mama Aki Marilyn Mabansag Yokokoj ng Ihawan Shinjuku.
Nagdagdag naman ng dalawang gintong medalya si Brendan Viñas, habang may tig-isa sina JahZeel Rosario, Dawn Martina Camacho at Ashley Anne Alvarez sa torneo na nilahukan ng 15 club at school teams.
Namayani si Viñas sa boy’s 11-12 class 50m at 100m butterfly, habang namahala si Rosario, ang Grade 8 student sa Bristol Integrated School, sa 100m breaststroke.
Humirit din ng ginto si Camacho sa girl’s 11-12 100m butterfly at si Alvarez sa girl’s 12-13 class 200m butterfly.
- Latest