Kouame Who?

Ito malamang ang katanungan sa isip ng mga nagtaas ng kilay sa panukala ni SBP vice chairman at Antipolo congressman Robbie Puno na maipa-naturalized si Angelo Kouame at maisama sa Gilas Pilipinas pool.

Mabigat nga naman ang unang dalawang na-turalized players na tumulong na magbuhat sa kampanya ng Gilas– sina Marcus Douthit at Andray Blatche.

At ngayon ang bagong puntirya ni Puno ay batang collegiate player lamang mula Ateneo.

Pero boto ako sa panukala ni Puno dahil isa lamang naman si Kouame na inaanguluhan ng Gilas na maipa-naturalized at masama sa national training pool.

Magandang option si Kouame dahil nandito na siya sa bansa at mas madaling batakin lumaro kung saan man lalaro ang national team. Hindi gaya noong nakaraang panahon na hostage ang training sa schedule ni Blatche.

Dahil bata at nasa proseso pa na lalong matutong maglaro, malamang na wala ring issue ukol sa pride at ego ang 6-foot-10 Ivorian player ng Ateneo Eagles. Dahil ka-edad niya ang iba pang mga kabataang Gilas pool members, same page ang mga ito at sabay-sabay na magma-mature at sana ay sabay-sabay mahinog sa tamang panahon para sa 2023 FIBA World Cup na iho-host ng ating bansa.

Economically, siguradong malaking katipiran din ang budget para kay Kouame kumpara sa ginastos kay Douthit at Blatche.

Isa pa, mas makaka-relate ang mga Filipino basketball fans kay Kouame dahil napapanood na siya sa UAAP.

Pero siyempre, mas maganda talaga kung may pool ng naturalized players na pagpipilian ang Gilas. Sana ay makakita sila ng naturalized player na mas magaling pa sa kalibre ng laro na ipinakita ni Blatche noong 2014 World Cup sa Spain.

Show comments