Brownlee gustong lumaro uli sa Alab Pilipinas

Brownlee

MANILA, Philippines — Nais ni Justine Brownlee na maglaro ulit sa San Miguel-Alab Pilipinas kung mabibigyan pa ng pagkakataon sa idinaraos na 2019-2020 ASEAN Basketball League.

Ito ang inihayag ng Ginebra resident import nga-yong bakante na siya matapos gabayan sa isa na namang kampeonato ang koponan sa katatapos lang na 2019 PBA Governors’ Cup.

“Alab will be ideal for me. I want to stay here in the Philippines. So maybe (play) for Alab if they have a spot for me or if they need replacement import,” ani Brownlee na four-time PBA champion na sa regular na koponang Ginebra. “I see that they’re doing pretty good right now but if they need a replacement, I would definitely consider that.”

Matatandaang noong 2018 ay nakapares ni Brownlee si Renaldo Balkman upang buhatin ang Alab sa makasaysayang ABL championship.

Magbabalik sana siya sa koponan noong nakaraang taon kasama ulit si Balkman subalit hindi ito natuloy.

Sa kasagsagan ng 2019 PBA Commissioner’s Cup ay inamin ni Brownlee na nagkaroon sila ng pag-uusap ni Alab coach Jimmy Alapag sa posibleng pagbabalik niya ngayong 2019-2020 ABL Season subalit hindi natuloy.

Ngayong tapos na ang schedule ni Brownlee sa Ginebra at sa PBA, hindi aniya siya magdadalawang isip na lumaro sa Alab sa kabila ng mga offers sa Korea, Japan at China.

“If they need me, I would be available in a few weeks or so,” ani Brownlee na magpapahinga muna.

Kamakailan lang ay kinuha ng Alab si Prince Williams bilang replacement import ni Khalif Wyatt. Makakasam niya sina Sam Deguara at Nick King bilang tatlong world imports ng koponan.

Nasa segunda puwesto ang Alab ngayon hawak ang 5-3 kartada at susubok na makalapit sa no.1 Mono Vampire (8-3) sa krusyal nilang sagupaan ng Hong Kong sa alas-8 ng gabi sa Southorn Stadium.  

Show comments