MANILA, Philippines — Sasalang ang national boxing team sa pukpukang training camp sa Bangkok, Thailand bilang pagha- handa sa 2020 Olympic Games.
Tumulak kahapon ang koponan patungong Thailand para sa camp na bahagi ng preparasyon ng mga Pinoy boxers para sa dalawang Olympic qualifying na lalahukan nito.
Unang idaraos ang 2020 Asia-Oceania Olympic qualifying tournament sa Pebrero 3 hanggang 14 sa Wuhan, China habang ang isa pang Olympic qualifying event ay gaganapin sa Europa.
Wala pang petsa at lugar na itinakda ang International Olympic Committee na siyang hahawak sa boxing competitions sa halip na ang International Boxing Association (AIBA).
Nasa unahan ng listahan si World Championship silver medalist at three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial (middleweight) kasama sina SEA Games gold medallists Carlo Paalam (light flyweight), Rogen Ladon (flyweight) and James Palicte (light welterweight).
Kasama rin sina Marjon Pianar (welterweight) at Ian Clark Bautista (bantamweight) gayundin sina national team coaches Ronald Chavez at Roel Velasco, at Australian consultant Don Abett.
Maliban sa training camp sa Bangkok, magkakaroon din ng isang pocket tournament na lalahukan ng iba’t ibang koponan mula sa Europa at Asya.
Sa Australia sana magsasanay ang Pinoy pugs bago sumalang sa SEA Games noong Disyembre.
Ngunit naudlot ang training camp sa Australia matapos magkaproblema sa pagkuha ng visa.