Enciso-DiGregorio trade
MANILA, Philippines — Pinakawalan ng Alaska ang point guard nitong si Simon Enciso sa Talk ‘N Text, isang buwan bago ang pagbubukas ng 2020 PBA Philippine Cup.
Bilang kapalit ay nakuha ng Aces ang sniper na si Mike DiGregorio ayon sa trade na inaprubahan na ng PBA kahapon.
Dagdag din sa trade ang palitan ng dalawang koponan ng draft picks. Parehong 2023 second round pick ang ipinares nila sa trade.
Ito ang pinakabagong trade sa kampo ng mga Alas matapos ding makipaghiwalay sa long-time point guard na si Chris Banchero noong 2019 PBA Governors’ Cup.
Ang TNT na ang magiging ikaapat na koponan ni Enciso sa PBA matapos pumasok noong 2015 Rookie Draft sa koponan ng NLEX. Nag-laro na rin siya sa Phoenix bago ang trade sa Alaska noong 2017.
Sa katatapos lang na 2019 PBA Governors’ Cup ay nagrehistro ang Fil-Am ng solidong 10.2 puntos, 3.8 assists at 2.6 rebounds subalit hindi nasibak agad sa quarterfinals ang Aces.
Si DiGregorio naman ay maglalaro ulit sa kanyang bagong koponan na Alaska kahit pa kakalipat lang sa TNT mula sa Blackwater noong season-ending conference.
Isa si DiGregorio sa main scorers ng Elite kung saan siya nagrehistro ng 11.6 puntos sa 42-percent three-point shooting at 2.1 rebounds ngayong taon.
Nang nalipat sa KaTropa kapalit ni Brian Heruela ay bumaba ito sa 3.4 puntos sa limitadong aksyon.
Nagsimula si DiGregorio sa Mahindra (Columbian ngayon) na pumili sa kanya bilang 35th overall pick noong 2015 Draft.
- Latest