Bolts pinuwersa ang Texters sa game 5
MANILA, Philippines — Hindi siya tatawaging ‘The Hulk’ kung walang dahilan.
Nagtala si Durham ng 36 points, 13 rebounds at 5 assists para buhatin ang Meralco sa 95-83 panalo kontra sa TNT Katropa at itabla ang kanilang semifinals showdown sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Mula sa 2-2 pagkakatabla ng kanilang best-of-five semis showdown ay paglalabanan ng Bolts at Tropang Texters ang ikalawang PBA Finals berth sa Game Five bukas sa parehong venue.
Ang mananalo sa nasabing semis wars ang lalaban sa Barangay Ginebra sa best-of-seven championship series na magsisimula sa Enero 8.
Sinibak ng Gin Kings ang NorthPort Batang Pier, 3-1, sa semis series.
Itinala ng TNT Katropa ang 17-4 abante sa opening period hanggang agawin ng Meralco ang 56-48 kalamangan sa third quarter sa pamumuno ni Durham.
Tuluyan nang naitayo ng Bolts ang 12-point lead, 87-75, mula sa fastbreak basket ni guard Baser Amer sa huling 5:26 minuto ng final canto na naputol ng Tropang Texters sa 83-90 sa 2:44 minuto ng laro.
Samantala, bibigyan lamang ni head coach Tim Cone ng break ang kanyang mga Gin Kings sa Araw ng Pasko at Bagong Taon.
Sa pagitan ng dalawang mahalagang araw ay ang paghahanda ng Ginebra ang PBA Finals.
“We’ll take a Christmas Day off, that’s for sure. We’ll take a New Year’s Day off, that’s for sure. That’s the only thing we know for sure we’re gonna take off,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion coach.
“I don’t think the guys are gonna be asking for that much time off. It’s too important to come out and play in the finals, too big of an opportunity,” dagdag pa nito.
Ito ang pang-26 Finals appearance ng Ginebra at puntirya ang ika-12 kampeonato.
- Latest