Union Bell kinailangang hatawin ni Hernandez
MANILA, Philippines — Kahit outstanding favorite ay nabigyan ng magandang laban ang Union Bell sa kanyang panalo sa 2019 PHILTOBO Juvenile Championship race kahapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Biglang kinabahan at napaangat sa kanilang kinauupuan ang mga liyamadista nang makitang kakapitan ng dehadong Exponential ang Union Bell sa rektahan.
Papasok ng home turn ay dalawa’t kalahating kabayo ang agwat ng Union Bell pero nadikitan ito ng Exponential sa rektahan kaya naman humugot ng latigo si star jockey Jonathan Hernandez para hatawin at kayugin ang winning horse.
“Nagsiguro na ako, pinitik ko mabuti na lang at rumesponde at umigkas ulit si Union Bell,” kuwento ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the year Hernandez.
Lumayo ang Union Bell sa huling 100 metro ng karera kaya naman tinawid nito ang meta ng may apat na kabayo ang distansya sa sumegundong Exponential.
Nirehistro ng Union Bell ang 1:40.2 sa 1,600 meter race sapat upang kubrahin ng Bell Racing Stable ang tumataginting na P1.8-M premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Thoroughbred Owners and Breeders Organization (PHILTOBO), Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) at MMTCI New Management.
Nahamig ng Exponential ang P675,000 at napunta ang P375,000 na tumerserong Make Some Noise habang pumang-apat ang Boy George na nakopo ang P150,000.
Samantala, ipinakita naman ng Smokin Saturday ang kanyang tulin ng manalong banderang tapos sa 2019 PHILRACOM Grand Sprint Championship na pinasibat sa pangatlong karera.
Hindi nagpaliguy-ligoy si class A rider Patricio Ramos Dilema at pinausok nito sa largahan ang Smokin Saturday kaya naman hindi pa nakakarating sa backstretch ay apat na kabayo agad ang lamang nito sa humahabol at liyamadong Son Also Rises.
“Maikli lang ‘yung karera kaya sabi ko kahit anong mangyari kukunin namin ang unahan agad,” pahayag ni star jockey Dilema.
Unti-unting lumalapit ang Son Also Rises sa far turn at sa huling kurbada ay nagbadyang pumatong ito sa Smokin Saturday.
Hinataw naman ni Dilema ang Smokin Saturday kaya naman hindi na nakahabol ang Son Also Rises.
Nagtala ng tiyempong 1:10.4 a 1,200 meter race ang Smokin Saturday sapat upang ibulsa ni owner RG Iñigo ang P600,000 na premyo, nakopo ng Son Also Rises ang P225,000, terserong dumating sa meta ang Pinagtipunan, at nabiyayan ito ng P125,000 habang P50,000 ang nasilo ng Lakan.
- Latest