‘Three-peat’ para sa Blue Eagles

Ang pagdiriwang ng Ateneo Blue Eagles.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Ate­neo De Manila Universi­ty ang makasaysayang 16-0 sweep para angkinin ang ‘three-peat’ title nang bu­salan ang University of San­to Tomas, 86-79 sa Game Two ng best-of-three Finals ng Season 82 UAAP men’s basketball tour­nament kahapon sa MOA Arena sa Pasay Ci­ty.

Muling bumida para sa Blue Eagles si back-to-back UAAP Finals MVP Thirdy Ravena na tumipa ng 17 points, 7 boards, 2 blocks at 1 steal para ibigay sa Katipunan-based squad ang ika-11 korona.

Nagtala si Ravena ng mga averages na 24.5 points, 6 boards at 4 assists sa dalawang laro pa­­­ra hirangin muli bilang Finals MVP.

Katuwang ni Ravena si SJ Belangel na may 15 markers mula sa 5-of-10 shooting sa three-point line at may 14 points, 6 re­bounds at 5 assists si Matt Nieto.

Ito ang pang-26 sunod na ratsada ng Ateneo si­mula sa nakaraang UAAP season.

“16-0 season is real­ly something we dream about. It’s a dream season going unblemished,” sabi ni head coach Tab Baldwin. “In those 16 games, no team is better than us. You have to guard against arrogance. These men whom I worked everyday are more than just about basketball.”

Pinamunuan nina Ra­vena, Belangel at Isaac Go ang ratsada ng Ateneo sa first quarter para itarak ang 16-point lead, 31-15,  ngunit napababa ito ng UST sa 31-24 mula sa putback ni Soulemane Chabi Yo sa 7:18 minuto ng second period.

Sa pangunguna nina Rhenz Abando at Mark No­­noy ay naibaba pa ito ng Growling Tigers sa 60-62 mula sa inuhulog nilang 9-2 bomba sa hu­ling 1:33 minuto ng third quarter.

Subalit hindi nagpa­tinag si Belangel nang bu­momba ng tres kasunod ang dalawang free throws nina Go at Mike Nieto para idistansya ang Blue Eagles sa 67-62 sa dulo ng nasabing yugto.

Lumayo pa ang Ate­neo sa 83-71 mula sa pi­nakawalang 13-0 atake pa­ra tu­luyan nang talunin ang UST.

Show comments