Back-to-back para sa NU Pep Squad
MANILA, Philippines — Ipinakita ng nagdedepensang National University ang kanilang bangis sa likod ng mga makapigil hiningang stunts at pambihirang sayaw para masungkit ang korona sa Season 82 UAAP Cheerdance Competition kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Kinumpleto ng NU Pep Squad ang kanilang pagiging back-to-back titlists matapos itala ang 722 total score.
Kinuha rin ng NU Pep Squad ang mga Best Toss, Best Pyramid at Best Stunt Awards.
“There is no such thing as an easy journey.” wika ni NU Pep Squad coach Ghicka Bernabe
“Isang mahirap at exciting journey for NU Pep Squad. Lahat siguro ng mga bata is worth it iyong pinagpaguran,” dagdag pa nito.
Ito ang ikaanim na korona ng NU Pep Squad kasama ang ‘four-peat’ noong 2013-2016, habang kinapos sila noong 2017 at muling nagwagi noong 2018 at 2019.
Hindi naman nagpahuli ang FEU Pep Squad (706) na may temang ‘Michael Jackson’ para sa first runner-up trophy.
Nakopo rin ng FEU Pep Squad ang Best Panalo Move Award at first runner-up sa Group Stunts category.
Tumapos na second runner-up ang Adamson Pep Squad (658.5) at nasungkit din ng second runner-up sa Group Stunts category.
Nasa ikaapat ang UST Salinggawi Dance Troupe (650) kasunod ang UE Pep Squad (645), UP Pep Squad (622.5), Ateneo Blue Babble Batallion (593) at La Salle Animo Squad (577.5).
- Latest