Ancajas kasado na ang plano sa pagsagupa kay Gonzalez
MANILA, Philippines — Ikinakasa ng kampo ni reigning International Boxing Federation super flyweight champion Jerwin Ancajas ang bagong game plan sa pagdepensa niya ng titulo kay Chilean pug Miguel Gonzalez sa Disyembre 7 sa Auditorio GNP Seguros sa Puebla, Mexico.
Selyado na ang paghaharap nina Ancajas at Gonzalez, ayon kay Top Rank Promotions chief Bob Arum na magsisilbing undercard sa main event nina World Boxing Organization super bantamweight champion Emanuel Navarrete at Francisco Horta.
Bagong pangalan si Gonzalez para sa kampo ni Ancajas at pag-aaralan pa ng coaching staff ang galaw ng Chilean para maihanda ang solidong game plan.
Isa na rito ang panonood sa mga nakalipas na laban ni Gonzalez.
Hindi ganoon kaganda ang rekord ni Gonzalez na hawak ang 31-1-2 baraha tampok ang 8 knockouts.
Sariwa siya sa technical knockout win kay Himson Garcia noong Oktubre 12 para makuha ang World Boxing Association fedelatin super flyweight title.
Ngunit nagtamo siya ng knockout loss noon lamang Marso laban kay Andrew Moloney sa labang ginanap sa Gran Arena Moticello sa Chile.
Handa naman si Ancajas na ibuhos ang lahat para maipagtanggol ang kanyang titulo.
Gigil na gigil nang sumabak si Ancajas matapos makansela ang kanyang laban kay Mexican Jonathan Javier Rodriguez noong Nobyembre 2 dahil sa problema ng huli sa kanyang visa.
Hindi naman nabakante si Ancajas dahil nanatili siya sa Amerika at tuluy-tuloy lamang ang kanyang ensayo kasama si chief trainer Joven Jimenez.
“Handa na akong i-defend ‘yung title ko sa harap ng mga Mexican fans. Hindi naman ako huminto sa training. Nag-stay ako sa Amerika para ipagpatuloy ‘yung preparations ko,” ani Ancajas.
- Latest