Dragic nanguna sa panalo ng Heat
PHOENIX — Nahirang si Goran Dragic sa NBA All-Star dalawang seasons na ang nakakalipas.
At hindi ito nakakalimutan ni Miami coach Erik Spoelstra.
Humugot ang 12-year veteran na si Dragic ng 20 sa kanyang 25 points sa second half para tulungan ang Heat sa 124-108 pagpapabagsak sa Phoenix Suns.
“It’s a great luxury for us to bring an All-Star talent, in his prime still, off the bench,” wika ni Spoelstra. “I don’t take for that granted. And I’m going to make sure the team doesn’t take that for granted.”
Humataw naman si Jimmy Butler ng 34 points para sa pagbangon ng Miami mula sa naunang 20-point loss sa Denver Nuggets noong Martes.
Sa Los Angeles, kumonekta si Lou Williams ng go-ahead jumper sa natitirang 58 segundo at nagdagdag ng three-pointer para ihatid ang Clippers sa 107-101 paggupo sa Portland Trail Blazers.
Tumapos si Williams na may 26 points para sa pang-900 victory ni Clippers head coach Doc Rivers.
Kumolekta si Kawhi Leonard ng 27 points at 13 boards para sa kanyang pagbabalik matapos magpahinga sa kabiguan ng Clippers sa Milwaukee Bucks.
Sa Charlotte, umiskor si Jayson Tatum ng 23 points, habang may 14 markers si Kemba Walker para akayin ang Celtics sa 108-87 pananaig laban sa Hornets.
Naglaro si Walker ng walong seasons para sa Hornets bago lumipat sa Celtics makaraang hindi bigyan ni Charlotte team owner Michael Jordan ang playmaker ng five-year, $221 million supermax contract.
Sa San Antonio, nagpasabog si center LaMarcus Aldridge ng season-high na 39 points sa 121-112 panalo ng Spurs kontra sa Oklahoma City Thunder.
- Latest