MANILA, Philippines — Binuhat ni MVP Soulemane Chabi Yo ang Univeristy of Santo Tomas sa 81-71 paggupo sa Far Eastern Univeristy sa stepladder round ng Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpasabog ang 6-foot-6 na si Chabi Yo ng 25 points, 10 rebounds at 3 assist at umagapay naman sa kanya si Brent Paraiso na may 18 markers at 5 rebounds para tulungan ang Growling Tigers na umabante sa ikalawang bahagi ng stepladder semifinals.
“Nothing comes easy.” sabi ni coach Aldin Ayo. “Walang madali eh. Right from the start ng season namin talagang mahirap eh. Itong laro na ito akala namin madali, pero FEU ‘yung kalaban namin eh. Hindi basta bibigay.”
Hindi rin nagpahuli sina Enzo Subido at Renz Abando para sa UST sa kanilang 14 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Chabi Yo ang ratsada ng Growling Tigers sa second period kung saan nila kinuha ang 54-28 abante mula sa lay-up ni Mark Nonoy sa huling 15.5 segundo ng laro.
Tinapyas naman ng Tamaraws ang nasabing 26-deficit para makalapit sa 71-78 sa likod ng triple ni Xyrus Torres sa huling 38.8 segundo ng bakbakan.
Iyon na ang huling na paramdam ng FEU matapos maghulog ng free throws sina Zach Huang at Paraiso para selyuhan ang panalo ng UST.
Sasagupain ng Growling Tigers ang No. 2 University of the Philippines Fighting Maroons sa ikalawang knockout game sa Linggo.
Bitbit ng UP ang ‘twice-to-beat’ advantage.