MANILA, Philippines — Magbabakbakan ang third seed Far Eastern University at fourth seed University of Santo Tomas sa stepladder ng semifinal round sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatoka ang knockout game ng Tamaraws at Growling Tigers ngayong alas 4 ng hapon kung saan ang mananalo ay haharapin ang nag-aabang na No. 2 seed University of the Philippines na may ‘twice-to-beat’ advantage.
Umabante ang nagdedepensang Ateneo De Manila University sa best-of-three finals matapos walisin ang double round elimination kaya ang tatlong koponan ang maglalaglagan sa stepladder.
Binanderahan ni Wendell Comboy ang ratsada ng Tamaraws patungo sa three-game winning streak para makatungtong muli ang koponan sa semifinals.
“Siyempre, last year ko na rin, ayaw ko namang ma-out kami, ma-eliminate kami sa eliminations pa lang. Iyong mga sleepless nights, sobrang worth it.” ani Comboy sa kanilang huling panalo kontra sibak nang University of the East.
Bukod kay Comboy ay tiyak na sasandal muli si coach Olsen Racela kina LJ Gonzales, Ken Tuffin, Cameroonian Patrick Tchuente at Barkley Ebona na pangunahing puwersa ng FEU.
Itatapat naman ni UST head coach Aldin Ayo sina Renz Abando, Enzo Subido, Brent Paraiso, import Soulemane Chabi Yo at Mark Nonoy.
Nakauna ang Growling Tigers nang lapain ang Tamaraws sa una nilang paghaharap sa first round, 82-74, noong Setyembre 23.
Nakaresbak naman kaagad ang FEU sa second round nang kunin ang 72-58 panalo noong Oktubre 13 kaya inaasahan ang dikdikan na labanan nila ng UST.