SAN FRANCISCO – Naitala na ng Golden State Warriors ang una nilang panalo sa season.
Nagsalpak si rookie forward Eric Paschall ng isang three-pointer sa 4:05 minuto ng fourth period at tumapos na may 36 points at 13 rebounds sa paghatid sa Warriors sa 127-118 panalo kontra sa Portland Trail Blazers.
Ito ang unang home win ng Warriors, naglaro nang wala ang kanilang mga injured stars sa pangunguna nina Stephen Curry at Klay Thompson.
Isinigaw ng mga Golden State fans ang “MVP, MVP’ nang ibigay ni Paschall ang 107-99 abante sa two-time NBA champions mula sa kanyang triple sa huling apat na minuto ng final canto.
“That was a little crazy. For a rookie you hear MVP, that’s a ‘wow’ moment,” sabi ni Paschall. “I thank Dub Nation for believing in me.”
Nagpasabog naman si Damian Lillard ng 39 points kasama ang limang tres sa panig ng Blazers.
Sa Memphis, humataw si James Harden ng 44 points at nakabalik ang Houston Rockets mula sa masamang laro para kunin ang 107-100 panalo kontra sa Grizzlies.
Si Harden ang gumiya sa Rockets sa panalo matapos magpahinga si Russell Westbrook.
Sa New York, kumamada si Kyrie Irving ng 39 points at nalampasan ng Brooklyn Nets ang career-high na 40 markers ni Brandon Ingram para talunin ang New Orleans Pelicans, 135-125.
Sa Washington, tumipa si Bradley Beal ng 20 points para sa Wizards 115-99 paggupo sa Detroit Pistons.