LOS ANGELES — Sa kanyang pagbabalik sa aksyon ay humataw si star forward Kawhi Leonard ng 38 points para tulungan ang Clippers sa 103-97 paggupo sa San Antonio Spurs.
Nagdagdag si Montrezl Harrell ng 24 markers para sa Los Angeles at ipalasap sa San Antonio ang una nitong kabiguan sa season.
Kumolekta rin si Leonard, hindi naglaro noong Miyerkules laban sa Utah Jazz dahil sa load management, ng 12 rebounds para sa kanyang unang points-rebounds, double-double sa season.
Matapos kunin ng Clippers ang 64-55 abante sa 6:55 minuto sa third quarter ay muling nakalapit ang Spurs sa 75-80 sa pagtatapos nito.
Huling nakadikit ang Spurs sa 93-97 sa huling 2:34 minuto ng fourth period bago gabayan ni Leonard ang Clippers patungo sa panalo.
Tumapos si DeMar DeRozan na may 29 points kasunod ang 20 markers ni Derrick White sa panig ng San Antonio.
Sa Atlanta, kumamada si Kendrick Nunn ng career-high 28 points para idagdag sa kanyang record-setting start sa 106-97 pananaig ng Miami Heat laban sa Hawks.
Ang pinagsamang 112 points ni Nunn sa unang limang laro niya ang pinakamataas sa hanay ng mga undrafted player sa NBA history.
Tumipa si Connie Hawkins ng Phoenix Suns ng 105 points sa una niyang limang laro noong 1969-70.
Sa New Orleans, humakot si Jahlil Okafor ng 26 points kasunod ang 25 markers ni Brandon Ingram sa 122-107 pagdaig ng Pelicans sa Denver Nuggets.