MANILA, Philippines — Tuluyan nang dumiretso ang Ateneo De Manila University sa championship round matapos walisin ang double-elimination round sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Pinulutan ng Blue Eagles ang University of the Philippines Fighting Maroons, 88-64 para sa kanilang malinis ang 14-0 kartada sa pagtatapos ng eliminasyon.
Ito rin ang unang pagkakataon sa kasaysayan na naka-sweep ang Katipunan-based team sa eliminasyon.
Sa nasabing panalo ay matutuloy ang stepladder format kung saan maghihintay ang Ateneo sa Finals, habang maghaharap sa knockout match ang University of Santo Tomas at Far Eastern University.
Ang magwagi ay lalaban sa No. 2 seed University of the Philippines tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage.
Muling nanguna sa opensa si Ivorian bigman Ange Kouame na nagtala ng 20 points, 12 boards at 5 blocks katuwang sina SJ Belangel, Will Navarro at Thirdy Ravena na may 14, 13 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Lumayo ang Blue Eagles sa huling apat na minuto ng second quarter, 43-27, patungo sa 24-point lead, 73-49, mula sa tripe ni Matt Nieto sa 7:46 minuto ng fourth period
“We don’t have a break. For us, it’s business as usual. We will just prepare for our next opponent, whoever it will be,” ani Ateneo head coach Tab Baldwin.
Sa kabilang banda, kapos naman ang 13 points, 7 rebounds at 2 blocks ni Kobe Paras gayundin ang tig-11 markers nina Bright Akhuetie at Javi Gomez De Liaño para sa Fighting Maroons na tinapos ang eliminasyon sa 9-5 record.
Sa unang laro, nagsanib puwersa sina Rey Suerte at Philip Manalang sa final period sa pagsikwat sa 79-77 panalo ng University of the East laban sa National University.
Tumapos si Suerte na may 28 points, 6 rebounds at 2 blocks, habang may 17 markers at 12 boards si Alex Diakhite.
Sa ikalawang laro, nagtala ng career-high na 34 points si Jamie Malonzo para pangunahan ang De La Salle sa 89-63 paggupo sa Adamson.
Nagtala naman sina Justine Baltazar at Andrei Caracut ng tig-14 markers para sa Green Archers, tinapos ang elims sa 7-7.