MANILA, Philippines — Tiningala ng mga karerista ang Viva Morena matapos ilampaso ang mahigpit na karibal na National Pride sa Philracom-RBHS Class 2 Merged noong Linggo sa Santa Ana Park, Naic, Cavite.
Paglabas ng aparato ay hinayaan ni class A rider Dan Camañero ang Viva Morena na mauna ang Facing Dixie at nagmatyag muna sa pangalawang puwesto.
Pagdating sa back stretch ay kumuha ng unahan ang winning horse, habang ang second choice na National Pride ay nagparamdam rin ng tikas.
“Nasilip kong lumalapit na si National Pride kaya kumuha na kami ng unahan para makabuwelo na rin,” litanya ni Camañero.
Sa huling kurbada ay balak nang kumapit ng National Pride sa unahan pero nabigo ito dahil lumayo ang Viva Morena sa rektahan.
Nagwagi ang Viva Morena na may apat na kabayo ang distansya laban sa National Pride, tersero ang Facing Dixie at ikapat naman ang Mandatum.
Nakapag-uwi si BP Niles, ang may-ari ng Viva Morena, ng premyong P20,000 mula sa Philippine Racing Commission, (Philracom).
Samantala, nagpakitang gilas din ang liyamadong Oktubre Katorse sa Philracom-RBHS Class 3 na pinatakbo sa huling karera.
Lutsahan sa unahan ang Hiconicus at Chocolate Thunder, habang nasa likuran naman ang Oktubre Katorse na sinakyan din ni Camañero.
Ubusan ng lakas sa banderahan, pero kumuha ng unahan ang Hiconicus papasok ng far turn.
Hindi nag-aksaya ng oras si Camañero at pinausad ang Oktubre Katorse at nakipagtagisan ng bilis sa Hiconicus.
Pagsapit ng bakbakan sa rektahan ay nakasama ng Oktubre Katorse at Hiconicus ang Chocolate Thunder at Speak Easy kaya naman halos ulo lang ang pagitan ng pagtawid nila sa meta.
Kumubra ng P20,000 ang may-ari ng Oktubre Katorse.
Sa Race 7, binigo ng dehadong Starlight ang liyamadong Band Of Halo.
Umarangkada agad sa unahan ang Band Of Halo sa largahan pero sa kalagitnaan ng 1,300 meter race ay inagaw ng winning horse ang bandera patungo sa finish line.