MANILA, Philippines — Mas napalakas pa ng Motolite ang tsansang makalusot sa Final Four ng Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference nang masikwat ang kanilang back-to-back wins mula sa 25-16, 25-21, 25-19 paggupo sa BaliPure kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nadagit ng Motolite ang ika-siyam nitong panalo sa 14 asignatura para sumosyo sa third spot kasama ang BanKo Perlas Spikers tangan ang 9-5 baraha sa ilalim ng PetroGazz at Creamline.
Umariba para sa Motolite ang dating University of the Philippines standouts na sina Tots Carlos at Isa Molde na nagrehistro ng 17 at 15 points, ayon sa pagkakasunod, habang dumeliber ng 8 markers si veteran Myla Pablo.
“It feels so good and I’m so happy in the performance and the players played so well. I hope in the next two games we will also able to push because it doesn’t mean we are in number four we just relax and let things settled,” sabi ni head coach Godfrey Okumu.
Nagtuluy-tuloy ang mainit na ratsada ng Motolite sa third set at naiposte ang 18-11 bentahe sa likod ng magkasunod na ace ni Carlos bago nakabawi ang Water Defenders at naibaba sa 18-23 ang kanilang hinahabol hanggang sa service error ni Shirley Salamagos natapos ang laro.
Samantala, buhay pa ang tsansa ng Philippine Air Force Lady Jet Spikers na makalusot sa playoffs matapos talunin ang Choco Mucho Flying Titans, 20-25, 25-18, 29-27, 26-24.