MANILA, Philippines — Nagsabwatan uli sina Dzi Gervacio, Nicole Tiamzon at Ella de Jesus para dominahin nang husto ng BanKo Perlas Spikers ang Chef’s Classics Lady Red Spikers, 25-7, 25-16, 25-17 sa Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nasolo muli ng Perlas Spikers ang ikatlong puwesto sa torneo tangan ang 8-5 panalo-talo at ngayon ay nasa ilalaim na sila ng nangungunang unbeaten naCreamline (12-0) at pumapangalawang PetroGazz (9-2) .
Matapos kunin ang magaang 25-7 panalo sa first set, nagawa nilang tapatan ang atake ng Chefs Classics sa second at third set upang ipalasap sa sibak na sa kontensiyong Lady Red Spikers ang ika-15 sunod nitong kabiguan sa gayunding dami ng laro.
Sa unang laro, limang sets ang ginapang ng BaliPure Water Defenders upang muling gapiin ang Phi-lippine Air Force Lady Jet Spikers, 25-23, 12-25, 27-29, 25-23, 15-11.
Nagpakitang-gilas si team captain Grace Bombita nang nagtala siya ng 26 puntos, sa likod ng 19 attacks, 4 aces at 3 kill blocks para pangunahan ang tropa na kunin ang ikaapat nitong tagumpay sa 14 na asignatura bagama’t malabo na ang kanilang tsansa sa Final 4.