BanKo nagpalakas sa semis

MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang BanKo Perlas Spikers na tu­luyan silang maiwanan sa karera patungo sa Final Four ng Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference matapos pabagsakin ang Motolite, 25-21, 25-19, 25-21, kahapon sa The Are­na sa San Juan City.

Kinapitan ng Perlas Spikers si veteran spiker Dzi Gervacio na nagrehistro 20 points mula sa 19 attacks at tumipa ng 13 at 12 markers sina Sue Roces at Nicole Tiamzon, ayon sa pagkakasunod.

Nadagit ng BanKo ang pang-pito nilang panalo sa 12 asignatura at muling nakopo ang ikaapat na puwesto sa team standings sa ilalim ng Creamline at PetroGazz at kasosyo ang Motolite.

Nagbalik din ang angas at bangis ng BanKo na tila nawala sa kanilang sarili sa huli nilang kabigu­an kontra sa Air Force at PetroGazz at sinamantala ang ilang errors na nagawa ng Motolite.

“Number one is the attitude sa loob ng court. Whatever happens good or bad, dapat everything’s positive at saka may reminder kami na we should always help each other,” sabi ni Gervacio.

Tumapos na may 14 points si Tots Carlos at nagdagdag ng 10 markers si Myla Pablo para sa pag­tatala ng Motolite ng 7-4 baraha.

Sa ikalawang laro tinuldukan ng BaliPure Water Defenders ang kanilang six-game losing skid nang nakawin ang 25-21, 23-25, 25-23, 17-25, 17-15 panalo sa Chef’s Classics Lady Red Spikers.

Itinala ng BaliPure ang ikatlong panalo sa 13 la­ban, habang nanatiling walang panalo ang Chef’s Classics sa 0-13 laro.

Show comments