Nag-iingat pa rin si Myla Pablo

Myla Pablo

MANILA, Philippines — Nag-iingat pa rin si Motolite Volleyball ace spiker Myla Pablo sa kanyang pagtalon kahit na-clear na siya sa kanyang injury at puwede na muling maglaro.

Nagbalik Premier Volleyball League (PVL) ang two-time MVP sa laban ng kanyang tropa kontra sa Chef’s Classics noong Miyerkules matapos ang dalawang linggong pagpapagaling mula sa kanyang right ankle metatarsal sprain.

Ayon kay Pablo, kaya naman niyang tumalon pero naninibago lang siya dahil ang kanang paa niya ang kanyang pinang-a-approach kapag siya ay papalo.

“Actually kaya naman pero siguro may ilang pa kasi ito ‘yung pang-approach ko, ito ‘yung pangtalon ko kaya medyo naninibago pa lang pero kaya naman,” sabi ni Pablo sa mga reporter.

Dalawang sets lang ang nilaro ni Pablo bilang substitute kay wing spiker Bern Flora pero nakapag-ambag naman ito ng dalawang puntos para sa 25-19, 25-23, 25-22 nilang panalo para kunin ang 7-3 slate.

Naniniwala si Motolite head coach Godfrey Okumu, babalik agad ang laro at angas ng dating National University stalwart para matutulungan na sila nito sa mga susunod nilang mga laro kontra sa BanKo-Perlas bukas at Choco Mucho sa Miyerkules.

“We have very strong games coming up so we do not want to let her strain too much,” sabi ni Okumu. “But I believe she’s strong, she has a strong heart.”

Show comments