Pilipinas bigong makakuha ng tiket sa Olympic qualifying
MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Pilipinas na makakuha ng puwesto sa FIBA Olympic Qualifying Tournament para sa misyong makabalik sa Olympic Games.
Ito ay kahit pa nanatili sa No. 31 spot ang Pilipinas sa pinakabagong FIBA world rankings base sa nakalipas na 2019 FIBA World Cup na idinaos sa China.
Umangat sa No. 30 ang Korea para masikwat ang huling wildcart spot sa Asia na mabibigyan lang ng dalawang tiket sa OQT.
Sinamahan ng Korea ang China bilang kinatawan ng Asia sa OQT gayundin ang New Zealand mula sa Oceania matapos ang awtomatikong pagpasok ng Australia sa Olympics sa Tokyo.
Kasama rin sa 24-team OQT ang iba pang wildcards ng kada FIBA region kagaya ng Angola at Senegal mula sa Africa, Mexico at Uruguay mula sa Americas at Croatia at Slovenia mula sa Europe.
Ang mga koponang ay sasamahan ng Brazil, Canada, Domican Republic, Puerto Rico at Venezuela ng Americas, Czech Republic, Greece, Germany, Italy, Lithuania, Poland, Russia, Serbia at Turkey na nakasikwat ng OQT tickets matapos ang pagpasok sa second round ng 2019 FIBA World Cup.
Hahatiin ang 24 koponan sa apat na grupo at ang No.1 team lang kada grupo ang siyang aabante sa Olympics upang samahan ang walong koponan na siyang nakabingwit ng tiket patungo sa Tokyo, Japan.
Ito ay ang host na Japan at ang 2019 FIBA World Cup champion na Spain kasama ang best World Cup team ng kada region na Argentina mula sa South America, France mula sa Europe, Australia mula sa Oceania, Nigeria mula sa Africa, Iran mula sa Asia at USA ng North America.
Magaganap ang OQT sa Hunyo 23-28, 2020 at malalaman ang apat na koponang kukumpleto sa 12-team cast ng Olympics.
- Latest