MANILA, Philippines – Kapwa hangad ng co-leaders Ateneo Blue Eagles at University of Santo Tomas Growling Tigers ang ikatlong sunod na panalo upang manatili sa liderato sa kanilang paghaharap ngayon sa pagpapatuloy ng Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Magkasosyo ang two-peat champions Blue Eagles at Growling Tigers sa top spot sa parehong 2-0 win-loss kartada nå kanilang babasagin sa pagtatagpo nila ngayong araw sa alas-10:30 ng umaga.
Pagkatapos sa Ateneo-UST game, asam naman ng De La Salle Green Archers (0-1) na bumangon agad sa nakaraang kabiguan kontra sa karibal na Ateneo sa pakikipagtuos sa National University Bulldogs (0-1) sa alas-12:30 ng hapon at susundan sa paghaharap ng Adamson Soaring Falcons (1-1) at University of the East Red Warriors (0-2) sa alas-4 ng hapon.
Sa unang araw pa lamang nagpahiwatig agad sa asam na three-peat ang Blue Eagles matapos ilampaso ang Adamson Falcons, 70-52 at sinundan ng 81-69 panalo kontra sa archrival DLSU Green Archers noong Linggo.
Pinaghandaan ni Ateneo coach Tab Baldwin ang kanilang laban kontra sa UST na tinuring din niyang “team-to-watch” sa season na ito.
“This is the truth - I was so entertained watching this team (UST). I love the way they play basketball, I really do. I mean, they just throw their head back and go full steam. If they’re hitting shots, good luck. I don’t think you’ll beat them if they’re hitting shots. I think you gotta play unbelievable defense against their pace,” pahayag ng New Zealander coach Baldwin.
Sa kabilang panig naman, pinataob ng Grow-ling Tigers ang Red Warriors, 95-82 sa unang laro bago sa sorpresang 95-82 panalo sa paboritong University of the Philippines Fighting Maroons noong Sabado para umangat sa top spot.