MANILA, Philippines — Ikinadismaya kahapon ni Games and Amusements Board chairman Abraham Mitra ang nangyaring kabiguan ni dating Filipino world champion Vic Saludar sa kanyang title fight sa Puerto Rico noong Linggo.
Nagpunta ang 28-an-yos na si Saludar (19-4-0, 10 KOs) sa nasabing bansa na walang kasamang trainer o manager.
Ang resulta nito ay ang kanyang unanimous decision loss kontra kay Puerto Rican Wilfredo Mendez (14--1-0, 5 KOs) at pagkahubad ng suot niyang World Boxing Organization minimumweight title.
“Siguro malaki ang offer sa kanya kaya doon siya lumaban sa Puerto Rico,” sabi ni Mitra sa pagkatalo ni Saludar kay Mendez sa Puerto Rico Convention Center. “Dapat man lang may kasama siyang trainer or manager nang magpunta siya roon. Nakakawa talaga ang nangyari.”
Ang kanyang trainer na si Jojo Palacios ay hindi nakakuha ng working visa sa Puerto Rico, habang ang manager namang si Kenneth Rondal ay sinamahan ang kanyang ama para sa isang brain surgery.
Dahil dito ay si Bobby Villaber ang nakasama ni Saludar sa kanyang corner.
Ayon kay Palacios, napilitan silang ituloy ang laban dahil sa mandatory defense ni Saludar sa kanyang bitbit na WBO minimumweight crown kontra kay Mendez.
At kung hindi nila ito ginawa ay tatanggalan ng WBO ng titulo si Saludar.
“Wala kaming kinalaman doon. The GAB’s responsibility is just to determine who travels with the boxer,” paglilinaw ni Mitra.