2-0 lead pakay ng Katropa kontra sa Brgy. Ginebra
MANILA, Philippines — Kung naging mabisa ang kanilang matibay na depensa noong Biyernes ay ito ang muling gagamiting sandata ng mga Tropang Texters laban sa Gin Kings sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.
“Depensa talaga. It really helped us especially during the end of the game. We made crucial stops. That’s very important,” sabi ni coach Bong Ravena matapos ang come-from-behind 95-92 win ng kanyang TNT Katropa laban sa Barangay Ginebra sa Game One ng kanilang semifinals wars.
Pupuntiryahin ng Tropang Texters na maitayo ang malaking 2-0 bentahe sa pagharap sa Gin Kings ngayong alas-6:15 ng gabi sa Game Two ng kanilang best-of-five semifinals duel sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang TNT Katropa mula sa 62-72 pagkakaiwan sa third period sa pamamagitan ng 17-5 atake na tinampukan ng fastbreak basket ni import Terrence Jones para selyuhan ang paggupo sa Ginebra.
Kapwa tumapos sina Jones at big man Troy Rosario na may tig-24-points para sa Tropang Texters, habang umiskor si Anthony Semerad ng 17 markers.
“Hopefully, we can play that way again. We never gave up even if we were down,” ani Ravena. “Basta huwag mawalan ng pag-asa sa depensa because defense talaga will win us the game.”
Kumolekta naman si import Justin Brownlee ng 23 points, 15 rebounds at 9 assists sa panig ng Gin Kings, nakahugot kina Stanley Pringle at LA Tenorio ng tig-18 markers.
Sa kabila ng kabiguan ay kumpiyansa pa rin si mentor Tim Cone na babangon ang kanyang Ginebra para itabla ang serye sa 1-1.
“We feel good about ourselves and we feel we’re gonna bounce back well in Game 2. We’ll see,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion coach.
Samantala, kasalukuyan pang naglalaro ang San Miguel at Rain or Shine kagabi sa Game One ng sarili nilang semis duel habang isinusulat ito.
Nakatakda ang Game Two bukas sa MOA Arena.
- Latest