MANILA, Philippines — Nakasungkit ang national poomsae team ng tatlong ginto at dalawang pilak na medalya sa 2019 Chuncheon Korea Open International Taekwondo Championships na ginanap sa Hoban Gymnasium sa Chungcheon-si Gangwondo sa South Korea.
Pinangunahan ni Darius Dayo Venerable ang kampanya ng Pilipinas matapos pagharian ang freestyle individual male -30 division kung saan tinalo niya ang dalawang South Korean bets.
Nakahirit pa ng gintong medalya ang pambansang koponan sa recognized team male category matapos magsanib ng puwersa sina Patrick King Perez, Rodolfo Reyes Jr. at Raphael Enrico Mella para makuha ang unang puwesto.
Galing naman ang ikatlong ginto mula kina Rinna Babanto, Jocel Lyn Ninobla at Aidaine Krishia Laxa na namayagpag naman sa recognized team female division.
Nag-ambag ng isang tanso si Janna Dominique Oliva sa freestyle individual female, habang nakasiguro rin ng third-place finish sina Venerable, Oliva, Juvenila Faye Crisostomo, Jeordan Dominguez at Marvin Mori sa freestyle team class.
Itinanghal na Best Freestyle Male Player si Venerable habang Best Recognized Team ang Pilipinas sa naturang kategorya.
“Nothing is impossible if you put your whole heart into it. We are very proud of all of you. For the country, for Philippine Taekwondo Association and most of all, for God. Thank you for all the prayers, love and support,” ani poomsae coach Rani Ann Ortega.