Nepomuceno inangkin ang pang-132 titulo

MANILA, Philippines — Wala pa ring balak si Filipino bowling legend Paeng Ne­pomuceno na huminto sa pag-angkin ng mga tropeo.

Sa edad na 62-anyos ay pinagharian ni Nepomuceno ang 17th PTBA (Playdium Tenpin Bow­ling Association) mixed open finals matapos mag­pagulong ng 12-game series na 2677 pinfalls sa Playdium Center sa Quezon City.

Ito ang ika-132 korona ni Nepomuceno.

“It’s so special because I established a new record of being the oldest Masters champion,” wika ni Nepomuceno, ang nag-iisang four-time Bow­ling World Cup men’s titlist na bumandera sa PRIMA at Philippine Bowling Federation.

Tinalo ni Nepomuceno sina veteran RJ Bautis­ta, Enzo Hernandez at Patrick Nuqui na umiskor ng 2618, 2615 at 2561, ayon sa pagkakasunod.

Tumapos naman sa No. 7 si Krizziah Tabora, isang BWC international titlist kagaya ni Nepomuceno, ngunit dahil umupo siya sa No. 1 sa hanay ng mga lady finalists na may 2478 pinfalls ay hinirang siyang women’s champion.

Pumangalawa si Alexis Sy na may 2476.

Binuksan ni Nepomuceno ang kanyang kam­pan­ya sa pagtatala ng 236 kasunod ang paglilista ng 203, 198, 249, 226, 209, 234, 227, 223, 280, 190 at 202 sa sumunod na 11 games, habang si Bautista ay may 261, 257, 246, 235 at 230.

Show comments