Columbian nakipagsabayan
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Columbian na kaya rin nilang maki-pagsabayan -- kahit na sa isang dating kampeon.
Nakahugot ng mala-laking produksyon mula sa kanilang top three players, inilusot ng Dyip ang 134-132 overtime win laban sa San Miguel Beermen sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Columbian ang kanilang tatlong sunod na kamalasan para makaaninag ng pag-asa sa eight-team quarterfinal round.
“This is a champion team. Sabi ko, if we play together, we play patience in our offense, if we play hard on defense, nothing is impossible,” sabi ni coach Johnedel Cardel.
Kumolekta si import Lester Prosper ng 40 points, tampok ang anim na three-point shots, bukod pa sa 13 rebounds at 3 assists para sa ikalawang panalo ng Dyip sa walong laban.
Naglista naman si No. 1 overall pick CJ Perez ng 34 markers, 8 boards, 4 assists at 4 steals, habang may 27 points si Rashawn McCarthy.
Nalasap ng Beermen, nakahugot kay import Charles Rhodes ng 26 points kasunod ang 24 markers ni five-time PBA MVP June Mar Fajardo, ang ikalawang dikit na kabiguan.
Itinayo ng Columbian ang 14-point lead, 84-70, sa 3:50 minuto ng third period bago nakadikit ang San Miguel sa pagtiklop ng nasabing yugto, 82-88.
Matapos ang jumper ni Glenn Khobuntin para sa 118-115 abante ng Dyip sa huling 10.4 segundo ng fourth quarter ay nagsalpak naman si Arwind Santos ng triple para itabla ang Beermen ang iskor sa 118, patungo sa extra period.
Inangkin ng Columbian ang 124-120 kalamangan sa 3:36 minuto ng extension kasunod ang 130-132 paglapit ng San Miguel sa nalalabing 33.6 segundo.
Umere si Perez para sa kanyang basket na nag-layo sa Dyip ng 134-130 sa huling 12.7 segundo.
- Latest