Perez, Bolick kasama sa Gilas pool
MANILA, Philippines – Mga bagong mukha ang dumagdag sa pinalakas na Gilas Pilipinas sa pagpapatuloy ng training camp nito para sa 2019 FIBA World Cup.
Sa unang pagkakataon ay nakasali sa Elite senior team ang top rookies na sina CJ Perez ng Columbian at Robert Bolick ng Northport na napili bilang first at third overall pick sa 2018 PBA Draft.
Dumalo ang dalawang bagitong manlalaro sa ensayo ayon sa imbitas-yon ni head coach Yeng Guiao.
Unang beses ito para kay Bolick na mapapasali sa Gilas habang pangalawa na ito para kay Perez na naging bahagi na ng Gilas 5.0 na sumalang sa 2016 FIBA Asia Cup sa Iran.
Parehong miyembro rin ang dalawang manlalaro ng mas batang Gilas Pilipinas 23 for 2023 FIBA World Cup para sa hosting ng bansa kasama ang twin towers na sina Kai Sotto at AJ Edu.
Dahil sa pagdating ng dalawang manlalaro kasama ang nagbabalik na si Kiefer Ravena ay lumakas at lumalim lalo ang training pool ng Gilas para sa world basketball Championships na nakatakda mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15 sa Foshan, China.
Iyon ang unang training ni Ravena matapos makatanggap ng 18 buwan na suspension mula sa International Basketball Federation (FIBA).
Sa Agosto 24 pa sana magwawakas ang suspensyon ni Ravena subalit pinayagan na ng FIBA na makaensayo man lang sa koponan na magbibigay sa kanya ng eksaktong pagkakataon upang makapaglaro pa rin sa World Cup na lalarga sa Agosto 31 pa.
Sinamahan nila sa ensayo ng Gilas ang mga original national team pool members na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, JP Erram, Raymond Almazan, Marcio Lassiter, Troy Rosario, Gabe Norwood, Mark Barroca, Paul Lee at RR Pogoy.
Malaking tulong sa paghahanda ng Gilas ang tatlong manlalaro lalo’t hindi nila makakasama ngayon sina Jayson Castro at Scottie Thompson dahil sa magkaibang dahilan na tinanggap naman ni Guiao.
Bagama’t hindi kasali sa pool, nagpakita pa rin sa ensayo sina Stanley Pringle at Marc Pingris upang makatulong at magpahayag ng suporta sa Nationals.
Magpapatuloy sa Huwebes ang training ng Gilas na si Andray Blatche nalang ang hinihintay sa koponan. Sa Hulyo 8 pa inaasahan ang pagdating ng veteran naturalized player na si Blatche.
- Latest