Ginebra vs Purefoods sa PBA Legends Faceoff

MANILA, Philippines — Sasariwain ng Ginebra at Purefoods ang Manila Clasico rivalry nito para sa misyong masungkit ang unang panalo sa UNTV PBA Legends Faceoff tournament ngayon sa Pasig Sports Center.

Sisiklab ang aksyon sa alas-1:30 ng hapon kung saan pakay ng Gin Kings at ng Hotdogs na maipagpag ang kabiguan nila sa opening day noong Linggo upang makapasok sa win column ng month-long tournament na inorganisa ng PBA Legends Foundation at UNTV para matulungan ang mga retirado at hikahos ng PBA players.

Mauuna sa alas-12 ng tanghali, tangka ang ikalawang sunod na tagumpay ng San Miguel at Alaska upang masolo ang tuktok ng four-team tournament para sa mga retirado nang PBA players.

Nabigo ang crowd favorite na Ginebra kontra Milkmen 83-90 habang natambakan ang Purefoods ng Beermen, 68-88.

Upang maiganti ang naturang pagkatalo, tatrangko sa atake ng Gin Kings si Marlou Aquino matapos mauwi sa wala ang double-double na outing niyang 23 puntos at 11 rebounds.

Makakasama niya sa naturang misyon sina Vince Hizon, Pido Jarencio, Bal David, Jayjay Helterbrand, Benny Cheng at EJ Feihl.

Hindi naman iyon magiging madali dahil gutom na Hotdogs din ang haharang sa kanilang daan sa pangunguna ng four-time MVP na si Alvin Patrimonio kasama sina Dwight Lago, Roger Yap, Bonel Balingit, Tony Boy Espinosa, Rommel Adducul, Jerry Codinera, Dindo Pumaren at Bong Ravena.

Mangunguna sa SMB sina Allan Caidic, Nic Belasco, Danny Ildefonso, Bong Alvarez, Chris Calaguio, Kiko Adriano, Olsen Racela at Nelson Asaytono kontra kina Willie Miller, Johnny Abarrientos, Poch Juinio, Bong Hawkins, John Ferriols at Jojo Lastimosa.

 

Show comments