CEU at Ateneo lumapit sa finals

Nakipag-agawan sa bola si Jerome Santos ng CEU laban kay Irven Palencia ng St. Clare-Virtual Reality.
PBA D-League Images

MANILA, Philippines — Umeskapo ang kulang-kulang ngunit palaban na Centro Escolar University kontra sa St. Clare College-Virtual Reality, habang tinambakan naman ng Cignal-Ateneo ang Valencia City Bukidnon-SSCR para makasikwat ng 1-0 kalamangan sa kani-kanilang best-of-three semifinal series sa 2019 PBA Developmental League kahapon sa Pa­co Are­na sa Maynila.

Sa ikalawang sunod na laban ay nagparada lang ng pitong manlalaro ang Scorpions subalit hindi pa rin ito naging hadlang matapos makuha ang dikit na 76-75 panalo kontra sa Saints.

Bumida para sa CEU si Rich Guinitaran na nag­­salpak ng winnng layup sa huling 13. 7 segun­do upang hilahin sa muntikang pagkulapso ang ko­po­nan matapos lumamang sa huling limang mi­nuto ng laban.

Sumuporta naman sa kanya si Senegalese center Maodo Malick Diouf na nagtala ng 16 points at 8 blocks kabilang na ang bagong PBA D-League record na 33 rebounds sa 40 minutong aksyon.

Ito ang ikalawang sunod na laro na hindi nag­pa­hinga kahit isang segundo si Diouf matapos pamunuan ang CEU sa 84-74 ‘do-or-die’ win kontra sa Go For Gold noong nakaraang Linggo sa quarterfinals upang makapasok sa Final Four.

Dahil dito, lumapit sa Finals ang Scorpions ka­hit pilay ang roster nila matapos mawala ang wa­long manlalaro na iniimbestigahan ng pamanta­san bunsod ng game-fixing scandal.

“You have to give it to the boys. Though were just playing with just seven guys, I told them when we step inside the court, it’s all about winning,” wi­ka ni CEU head coach Derrick Pumaren.

Sumuporta naman kina Guinitaran at Diouf si­­na Kurt Sunga at Franz Diaz na may 16 at 13 points, ayon sa pag­kakasunod.

Sa kabilang banda, nabasura naman ang 18 mar­kers ni Irven Palencia gayundin ang 14 points ni Joshua Fontanilla para sa Saints na naagaw ang 75-74 abante sa huling 51 segundo matapos maiwan sa 57-68 sa kalagitnaan ng final canto.

Samantala, umiskor naman ng malaking 105-67 panalo ang Cignal-Ateneo kontra sa Valencia Ci­ty-SSCR para madagit ang 1-0 abante sa kanilang sa­ri­ling Final Four series.

Nanguna para sa Blue Eagles si Ivorian big man Ange Koaume na may 19 points, 20 rebounds at 4 blocks sa loob ng 23 minutong aksyon.

Nag-ambag din ng 12 at 11 points sina Mike Nieto at Jolo Mendoza, ayon sa pagkakasunod, ha­bang may tig-10 markers sina Thirdy Ravena at Matt Nieto para sa balanseng atake ng Ateneo.

Hindi nagkasya ang 24 at 23 points nina RK Ila­gan at Allyn Bulanadi, ayon sa pagkakasunod, para sa Golden Harvest.

Show comments