Parks Jr. makikilatisan

MANILA, Philippines — Bilang beterano ng Asean Basketball League ay inaasahang ituturing ni Bobby Ray Parks, Jr. ang kanyang PBA debut bilang isang ordinaryong laro.

Ipaparada ng Blackwater ang 6-foot-4 na si Parks sa kanilang pagharap sa Meralco ngayong alas-4:30 ng hapon sa pagsisimula ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Hindi kaagad naisuot ng 26-anyos na anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks ang uniporme ng Elite dahil sa kanyang kontrata sa Alab Pilipinas sa ABL.

Pumirma lamang si Parks, ang three-time Local MVP sa ABL at two-time UAAP MVP para sa NU Bulldogs, sa isang one-year, P2-million deal sa Blackwater na hahawakan ni coach Aris Dimaunahan, pumalit kay Bong Ramos.

Makakatuwang ni Parks, inaanak ni Bolts coach Norman Black, para sa Elite si dating Meralco reinforcement Alex Stepheson.

Samantala, sinabi ni Black, ang one-time PBA Grand Slam champion mentor, na hindi pa maglalaro ang bagong hugot na si 6-foot-8 Raymond Almazan.

“Almazan will not play because of his old calf injury. He will return to action in two to three weeks,” wika ni Black sa No 3 overall pick noong 2013 PBA Draft.

Sa ikalawang laro sa alas-6:45 ng gabi, itatampok naman ng Alaska si Chris Daniels, hindi nakuha noong 2008 NBA Draft, sa pagharap kay ABL import Kyle Barone at sa Columbian.

Kumampanya ang 6’9 na si Daniels sa NBA Development League para sa Erie Bayhawks, Santa Cruz Warriors at Rio Grande Valley Vipers.

Naglaro si Daniels para sa Indiana Pacers at Los Angeles Lakers sa NBA Summer League ngunit nabigong mapa-sama sa final roster.

Naisuot niya ang uniporme ng Brooklyn Nets noong 2015 sa limang preseason games ngunit binitawan bago ang pagsisimula ng NBA season.

Ang 6’10 namang si Barone ang tumulong sa Saigon Heat para makapasok sa quarterfinals ng ABL kung saan sila pinatalsik ng CLS Knights.

 

Show comments