May pag-asa pa ang Marinero
MANILA, Philippines — Buhay pa ang pag-asa ng Marinerong Pilipino na makapasok sa playoffs matapos silatin ang Metropac-San Beda, 88-85 sa pambihirang overtime game ng 2019 PBA Developmental League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Trumangko sa atake ng Skipper si Santi Santillan na nagtala ng double-double na 16 puntos at 14 rebounds kabilang na ang pambaong tres sa huling minuto ng OT upang mabigyan ng 84-79 kalama-ngan ang koponan.
Sapat na iyon para sa Marinero na dinepensahan na lamang ang manibela tungo sa malaking tagumpay.
Bunsod nito, umangat sa 4-4 ang baraha ng Skippers ni head coach Yong Garcia papasok sa huling laban nila sa susunod na linggo.
“Sinasabi namin sa kanila, yung chance wala sa kamay natin, pero ang trabaho is yung natitirang dalawa nating laro. At least ‘yung chance, nandyan pa,” aniya.
Nag-ambag din ang mga bagong salta mula sa MPBL na sina Jhonard Clarito, Gab Banal at Mike Ayonayon na nag-ambag ng 12, 10 at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Skippers.
Nasa ikalimang puwesto ng Foundation Group ngayon, kailangan maipanalo ng Marinero ang hu-ling laban kontra sa Perpetual at matalo naman ang FEU kontra sa CEU upang makasabit sa playoffs.
Ang Metropac-San Beda naman sa kabilang banda ay bigong makasiguro ng puwesto sa top two ng Foundation Group na magbibigay sana sa kanila ng twice-to-beat incentive sa crossover quarterfinals kontra sa Aspirants Group.
Tinapos ng Movers ang kampanya nito sa 6-3 kartada at nagbigay daan sa CEU (7-1) at Valencia City Bukidnon -- SSCR (6-1) na masikwat ang top two spots sa Foundation Group.
Tumabo ng 22 puntos si James Canlas habang may 16 at 14 puntos din sina Clint Doliguez at Donald Tankoua, ayon sa pagkakasunod para sa Metropac-San Beda.
- Latest