Cignal-Press Corps PBA Player of the Week
MANILA, Philippines — Hindi inaasahang manlalaro ang lumitaw upang pangunahan ang Rain or Shine sa idinaraos na 2019 PBA Philippine Cup best-of-seven semi-finals.
At ito ay walang iba kundi ang third-year pro na si Ed Daquioag na siyang bumuhat sa Elasto Painters sa unang dalawang labang pinagwagian nila upang makapagtayo ng 2-0 bentahe kontra sa karibal na Magnolia Hotshots.
Bunsod nito, ang 27-anyos na si Daquioag ang natanghal na Cignal – PBA Press Corps Player of the Week para sa linggong April 9 hanggang 14.
Nagrehistro ang dating University of Santo Tomas standout ng 14.5 puntos, 3.0 rebounds at 2.0 assists upang maging bayani ng Elasto Painters na naghaha-ngad ng una nilang Finals berth sa loob ng tatlong taon.
Sa pagkakapilay ng starting point guard na si Mave-rick Ahanmisi, pumalit sa kanya si Daquioag na hindi naman sinayang ang pagkakataon nang magtala ng 10 puntos, tatlong rebounds at isang assist upang tulungan ang koponan sa 84-77 na panalo sa Game 1.
Hindi pa rin naglaro sa Game 2 si Ahanmisi kaya’t naiwan kay Daquioag ang tungkulin na manduhan ang opensa ng Elasto Painters.
Hindi nagpaawat si Daquioag sa pagtala ng team-high na 19 puntos sa Game 2 kung saan nanalo ulit ang Elasto Painters, 93-80 upang makapagtayo ng 2-0 kalamangan sa race-to-four Final Four duel.
Bunsod nito, dalawang panalo nalang ang RoS para umabante sa unang Finals kasama si head coach Caloy Garcia buhat nang umalis ang dating mentor na si Yeng Guiao noong 2016.
Magugunitang noong 2016 ay na-draft ng Meralco si Daquioag sa ginanap na Special Rookie Draft para sa Gilas Pilipinas cadets bago nalipat kapalit si Mike Tolomia noong 2017 sa RoS na siyang naging tahanan na niya buhat noon.
Dinaig ni Daquioag para sa naturang lingguhang parangal ang kakamping si Gabe Norwood gayundin sina June Mar Fajardo, Christian Standhardinger at Alex Cabagnot.
- Latest