MANILA, Philippines — Hindi ang mga starters ni head coach Caloy Garcia ang bumida sa Game Two.
Nanguna sina big man Norbert Torres at wingman Ed Daquioag para tulungan ang Rain or Shine na sagasaan ang Magnolia, 93-80 sa kanilang best-of-seven semifinals duel sa 2019 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Naging mabisa naman ang pagsapo ni guard Kris Rosales sa trabaho ni injured starting guard Maverick Ahanmisi para sa Elasto Painters.
Nauna nang giniba ng Rain or Shine ang Magnolia sa Game One, 84-77 noong Biyernes.
Siyam na three-point shots ang isinalpak ng Elasto Painters, kasama dito ang perpektong 4-of-4 shooting ni Torres sa first half para ilista ang 43-29 bentahe sa huling tatlong minutong second quarter.
Tuluyan nang iniwanan ng Rain or Shine ang Magnolia matapos ang tres ni two-time PBA MVP James Yap para sa kanilang 23-point lead, 73-50 sa 9:29 minuto ng final canto.
Samantala, hindi babaguhin ng nagdedepensang San Miguel ang kanilang estratehiya sa muling pagsagupa sa Phoenix sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Kahit nanalo tayo, hindi natin puwedeng isipin na kayang-kaya na tapusin agad ang series,” sabi ni one-time PBA MVP Arwind Santos matapos ang 100-88 paggiba ng Beermen sa Fuel Masters sa Game One noong Sabado.
Sa nasabing panalo ng San Miguel ay nagposte si veteran guard Alex Cabagnot ng 26 points, 7 assists, 5 rebounds at 3 steals, habang nalimitahan si five-time PBA MVP June Mar Fajardo sa 9 points at 9 boards at nakamit ang kanyang ikaanim at hu-ling foul sa 3:49 minuto ng fourth period.