MANILA, Philippines — Nagposte ng magkahiwalay na panalo ang inaugural staging champion Batangas City at San Juan para maitulak ang ‘winner-take-all’ showdown sa kani-kanilang mga karibal sa Division Finals ng MPBL Datu Cup.
Napuwersa ang Athletics na maglaro sa kanilang adopted venue sa La Salle Sentrum sa Lipa City dahil hindi maaaring paglaruan ang home court nila sa Batangas City.
Tinalo ng Batangas City ang Davao Occidental, 76-74, sa Game Two para makapuwersa ng Game Three sa Davao City sa kanilang Southern Division best-of-three championship series.
Muling bumida sina Jeff Viernes at Jhaymo Eguilos para ibangon ang Athletics matapos yumukod sa Tigers sa Game One.
Tumapos si Viernes na may 20 points mula sa 10-of-11 fieldgoal shooting, habang humakot ang 6-foot-5 na si Eguilos ng 12 markers at 17 rebounds.
Nagdagdag sina ex-pros Denice Villamor at Val Acuña ng tig-15 points para sa Batangas City.
Samantala, niresbakan ng San Juan Knights ang Manila Stars, 92-90, sa Game Two ng kanilang Northern Division Finals.
Tumipa si John Wilson ng 18 points at nagdagdag si Jhonard Clarito ng 16 markers at 7 rebounds para sa panalo ng Knights.