MANILA, Philippines – Dinagit ng Ateneo de Manila University ang 19-25, 22-25, 27-25, 25-22, 15-11 come-from-behind win laban sa University of Santo Tomas upang mapatatag ang kapit sa liderato sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naging matibay na armas ng Lady Eagles ang solidong blocking at matikas na floor defense upang masawata ang pagtatangka ng Tigresses tungo sa ikapitong sunod na panalo sa walong laro.
Kumuha ng malakas na puwersa ang Ateneo kay middle blocker Maddie Madayag na bumanat ng 23 puntos buhat sa 11 attacks, 11 blocks at isang ace gayundin kina team captain Bea De Leon at opposite hitter Kat Tolentino na nag-ambag din sa opensa at depensa ng tropa.
Nanatili sa No. 3 spot ang Tigresses sakmal ang 5-3 baraha.
Sa unang laro, napaamo ng University of the East ang National University, 25-16, 25-18, 24-26, 25-16 para mapaganda ang baraha nito sa 2-6.
Lumasap ang Lady Bulldogs ng ikaanim na talo para hayaan ang Lady Warriors na sumalo sa No. 6 spot hawak ang parehong 2-6 marka.
Sa men’s division, dinungisan ng Ateneo ang Far Eastern University sa bendisyon ng makapigil-hiningang 31-29, 22-25, 25-23, 26-24, panalo.
Pumalo si Ron Medalla ng career-high na 32 points mula sa 27 attacks, tatlong blocks at dalawang aces habang nagdagdag si Tony Koyfman ng 21 markers para umangat ang Blue Eagles sa 5-3.
Bagsak sa 7-1 ang Tamaraws.
Nagawang makisalo ng NU sa liderato matapos pabagsakin ang Adamson University, 25-18, 25-18, 25-19, upang makamit ang parehong 7-1 baraha.
Nagkasya sa 4-4 ang Soaring Falcons.