Bacoor, Davao wagi

DAVAO CITY, Philippines –Binanderahan nina Gab Banal at Mark Yee, naglalaban para sa MVP award ng MPBL Datu Cup, ang kani-kanilang koponan sa panalo sa Rizal Memorial College Gymnasium noong Huwebes ng gabi.

Iniskor ni Banal ang 21 sa kanyang 31 points sa first half bago tumulong si Mark Montuano para sa 90-80 panalo ng Bacoor Strikers laban sa General Santos City sa pagsisimula ng kanilang best-of-three quarterfinals series.

Humataw si Montuano ng 17 sa kanyang 23 points sa second half para suportahan si Banal sa paggiya sa Bacoor, nakahugot ng kontribusyon mula kina King Destacamento at Eric Acuna.

Dahil sa panalo ng Strikers ay maaari na nilang walisin ang Warriors patungo sa semifinals ngayong gabi sa Lagay Gymnasium sa General Santos City.

Bumandera naman si Yee para sa 82-67 pagpapatumba ng Davao Occidental kontra sa Cebu Sharks sa pagbubukas ng kanilang serye.

Itinala ni Yee ang kanyang pang-14 double-double performance sa tinapos niyang 20 points at 12 rebounds para sa Tigers. Nagdagdag naman sina Bonbon Custodio, Leo Najorda at Billy Robles ng 18 at tig-11 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Davao Occidental.

Ang naturang 14 double-double ni Yee ang pinakamaraming nagawa ng isang player ngayong season at nananatiling top contender para sa MVP derby.

Show comments