MANILA, Philippines — Hindi naglaro sina import Renaldo Balkman, Lo Domingo, Brandon Rosser at Caelan Tiongson.
Ito ang sinamantala ng Formosa Dreamers para gibain ang Alab Pilipinas, 79-71, sa 2018-2019 Asean Basketball League kahapon sa Changhua Stadium sa Taiwan.
Sina Balkman, Domingo, Rosser at Tiongson ay may mga injuries.
Sa likod nina back-to-back Local MVP Ray Parks Jr. at Puerto Rican 7-foot-3 giant PJ Ramos ay kinuha ng Alab ang four-point lead, 63-59, sa third quarter.
Sumakay naman ang Dreamers kina Will Artino at Malcolm Miller sa paghuhulog ng 12-4 bomba para ibigay sa Formosa ang 71-66 abante sa fourth period.
Ang basket ni Parks ang naglapit sa Alab sa 71-73 agwat sa huling tatlong minuto.
Ngunit muling nagtuwang sina Artino at Miller para akayin ang Dreamers sa kanilang pang-pitong sunod na ratsada.
Nagwakas ang three-game winning run ng Alab, nakahugot kay Parks ng 27 points, 6 rebounds at 2 assists.
Nagtala si Ramos ng 12 markers.