3-golds sa Phl Team
SEA Youth Athletics Championships
ILAGAN CITY, Isabela, Philippines — Kumpara noong nakaraang taon ay mas maganda ang ipinakita ng mga Pinoy athletes sa 14th Southeast Youth Athletics Championships kahapon dito sa Ilagan Sports Complex.
Kumolekta ang Team Philippines ng kabuuang 3 gold, 7 silvers at 9 bronze medals para sa fifth place finish matapos mag-uwi ng isang pilak at tatlong tanso noong nakaraang taon sa Singapore.
Bumandera ang Thailand na may 16 gold, 8 silver at 4 bronze medals kasunod ang Vietnam (7-9-10), Malaysia (4-4-2) at Indonesia (4-2-2).
Dalawang ginto ang inangkin nina Hokket Delos Santos ng Ilagan City at Mariel Abuan ng Zambales sa kanilang mga events para idagdag sa naunang panalo ni Ma. Khrizzie Clarisse Ruzol (2.60m) ng University of Santo Tomas sa girls’ pole vault.
Nagsumite ang 5-foot-11 na si Delos Santos ng 4.20 metro sa boys’ pole vault para ungusan sina Elliott Wee Junn (4.10m) at Heng Jee Kuan (3.80m) ng Singapore.
“Very happy po ako sa aking panalo kahit mala-lakas ang mga kalaban,” sabi ni Delos Santos.
Tumalon naman ang 14-anyos na si Abuan ng 1.65m sa pagsapaw kina Thanh Vy Nguyen (1.61m) at Quynh Giang Pham (1.58m) ng Vietnam.
Nagdagdag ng pitong pilak sina Tina Rosete (26.83m) sa girl’s hammer throw, Charlaine De Ocampo (65.22) sa girls’ 400m hurdles, Jan Rey Gallano (56.65) sa boys’ 400m hurdles, Princes Jean Nalzaro (15.61 segundo) sa girls’ 100-meter hurdles, Jessa Marie Libres (2.32m) sa girls’ pole vault, ang boy’s 4x400m relay team (3:26.86) at ang mixed relay 4x400m team (3:40.47).
Pagkatapos ng SEA Youth Championships ay idaraos naman ang Philippine Athletics Championship sa Marso 6-8.
- Latest