ATLANTA - Nirapido ng New England Patriots ang karibal na Los Angeles Rams sa second half tungo sa 13-3 panalo sa lowest scoring Super Bowl para angkinin ang National Football League title sa record-tying na ikaanim na pagkakataon.
Pinantayan ng Patriots ang all-time mark ng Pittsburgh Steelers, may record na anim na Super Bowl crown, para sa 41-anyos na si Tom Brady na naging pinakamatandang quarterback na nanalo ng championship game.
Nakasama ni Brady sa record books ang 66-anyos na si Bill Belichick, naging pinakamatandang coach na umangkin sa Vince Lombardi trophy.
“It’s sweet,” wika ni Belichick. “Everybody counted us out from the beginning of the season, the mid-season but we’re still here.”
Si Brady ang naging timon ng Patriots matapos ang 3-3 pagkakatabla sa dulo ng fourth quarter nang bigyan niya si Rob Gronkowski ng isang 29-yard pass para ayusin ang two-yard touchdown run ni Sony Michel.
Naipasok naman ni kicker Stephen Gostkowski ang isang 41-yarder sa huling 72 segundo para sa ikatlong Super Bowl ng New England sapul noong 2015.
“We had a lot of resolve the last couple of weeks,” sabi ni Brady, nakumpleto ang 21 sa kanyang 35 pass attempts para sa 262 yards. “I wish we had played a little bit better on offense but we won. I can’t believe it, we are Super Bowl champs.”