MANILA, Philippines — Habang hindi pa nakakatapat ang mga bigating tropa ay umaasa si coach Louie Alas na magtutuluy-tuloy ang arangkada ng kanyang mga Fuel Masters.
Inangkin ng Phoenix ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos talunin ang Columbian, 108-98 noong Ene-ro 23 para solohin ang liderato ng 2019 PBA Philippine Cup.
“Sana madagdagan pa para makapondo kami. Hindi pa kasi kami lumalaban sa mga heavyweights tulad ng Ginebra, San Miguel, Magnolia,” sabi ni Alas sa pagsagupa ng Fuel Master sa Blackwater Elite ngayong alas-4:30 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Puntirya ng Phoenix ang kanilang ikaapat na dikit na panalo habang target ng Blackwater ang pangalawang sunod nilang ratsada matapos biguin ang Rain or Shine, 111-98.
Sa naturang panalo ay umiskor si Mike DiGregorio ng 27 points, habang may 23 markers si Allein Maliksi.
“We just have to trust each other,” sabi ni mentor Bong Ramos sa pagharap ng kanyang Elite kontra sa Fuel Masters.
Sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi ay mag-iiwasan naman ang San Miguel at Rain or Shine na mahulog sa ikala-wang dikit na kamalasan.
Nanggaling ang Beermen sa 93-104 pag-yukod sa TNT Tropang Texters habang nabigo ang Elasto Painters sa Elite, 98-111.
Sa nasabing pagkatalo sa Blackwater ay nakita sa aksyon si center Raymond Almazan sa unang pagkakataon para sa Rain or Shine. “Siguro worried siya (coach Caloy Garcia) na baka mabigla ako or sobrang excited ako baka ma-injure ako. Pero sobrang nag-enjoy ako, talo nga lang,” sabi ng 6-foot-8 na si Almazan.