Obra Maestra nanguna sa Philracom Juvenile Championships
MANILA, Philippines — Nanalo ang kabayong Obra Maestra na ginaba-yan ni jockey JB Guce sa naganap na “2018 Philracom Juvenile Championship” noong Lunes sa pista ng Sta Ana Saddle and Clubs sa bayan ng Naic, Cavite.
Tumataginting na P1,500,000 milyon piso ang napanalunan ng tambalang Obra Maestra at jockey JB Guce para sa may-ari ng nasabing kabayo na si Mayor Sandy Javier Jr. at trainer Ruben Tupas bilang tagakundisyon ng kampeong kabayo.
Nakauna sa nasabing karera ang segunda liyamadong kalahok na Lady Mischief kasunod ang mga kabayong Royal Bell, Forest Cover, Gatinghan Island, My Jopay, Full of Grace habang nag-abang sa pang anim na puwesto ang super mega outstanding favorite sa bentahan na Obra Maestra.
Pagdating sa huling kurbada ay bandera pa rin ang Lady Mischief pero kasunod na nito ang malakas na nagpaparemateng Obra Maestra na tulu-yang nakuha ang unahan pagsapit sa rektahan at iniwan ang mga nakalaban para sa lagpas sa anim na kabayong panalo nito.
Nagbigay pa ang Forecast ng P26.50 sa nasegundong kabayo na Full of Grace para sa nanalong kumbinasyon na 9-6 habang halagang P136.40 naman ang ibinigay sa Trifecta ng pumangatlong kabayo na My Jopay para sa kumbinasyong 9-6-8.
Halagang P28.50 naman ang ibinigay na dibidendo sa Daily Double kabit sa nanalong War Dancer sa Race 5 habang ang Daily Double naman kabit sa nanalong Always on Time sa Race 7 ay nagbigay lang ng P12.00 pesos kada isang ticket.
Magiging masaya naman ang Bagong-Taon ng mga tumama sa Exotic Betting Option na Winner Take All Event dahil tumataginting na P24,272.60 ang ibinigay na dibidendo sa mga nakakuha ng nanalong kumbinasyon na 3-7-1-1-8-9-2.
- Latest