MANILA, Philippines — Bumango ang pangalan ni Donnie Nietes matapos masungkit ang World Boxing Organization junior bantamweight crown nang itala nito ang split decision win laban kay Japanese Kazuto Ioka noong New Year’s Eve sa Macau.
Kaya naman kaliwa’t kanang pangalan na ang ini-uugnay sa Pinoy world champion para sa kaniyang susunod na laban.
Ang posibleng makalaban ni Nietes ay ang magwawagi sa title eliminator winner sa pagitan nina Pinoy boxer Aston Palicte at Puerto Rican Jose Martinez.
Nabanggit din ang pangalan ni Jerwin Ancajas na kasalukuyang nagmamay-ari ng International Boxing Federation junior bantamweight title.
Ngunit kung si Nietes ang masusunod, ayaw nitong makaharap ang kapwa Pinoy.
Magugunitang nakasagupa ni Nietes si Palicte noong Setyembre sa The Forum sa Inglewood, California na nauwi sa draw.
Ilan sa mga binanggit ni Nietes sina Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand, Juan Francisco Estrada ng Mexico at Roman Gonzalez ng Nicaragua.
Si Rungvisai ang may hawak sa World Boxing Council super flyweight belt samantalang nakatakdang lumaban si Estrada sa Pebrero ayon sa kanyang team.
Nagpapagaling naman si Gonzalez matapos sumailalim sa operasyon noong Disyembre.
Si Gonzalez aty dating WBC flyweight champion.
“Siguro hindi muna ngayon (na makalaban ang kapwa Pilipino). I want to add more (titles). Ito ‘yung mga dream fights ko (ang makalaban sina Srisaket Sor Rungvisai, Juan Francisco Estrada at Roman Gonzalez),” ani Nietes na agad na bumalik sa Cebu matapos ang kanyang matagumpay na laban sa Macau.
Bago isipin ang kanyang susunod na hakbang, nais muna ni Nietes na namnamin ang tagumpay nito kasama ang kanyang buong pamilya.
Magarbong tinapos ni Nietes ang taon at nais nitong maipagpatuloy sa taong ito ang kanyang tinatamasang tagumpay.