Win No. 6 kinuha ng Lady Chiefs

MANILA, Philippines – Mabilis na dinispatsa ng nagdedepensang Arellano ang Letran, 25-13, 25-18, 25-15, para manati­ling malinis ang rekord sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ito ang ikaanim na su­nod na panalo ng La­dy Chiefs para mapata­tag ang kapit sa solong pamumuno.

Dalawang panalo na lamang ang kaila­ngan ng Arellano para makuha ang unang silya sa Final Four at tatlong panalo para ma-sweep ang eliminasyon na mag­bibigay sa kanila ng aw­tomatikong tiket sa finals.

Naging lider sa pag­ka­kataong ito si Princess Bello na nagsumite ng 13 points, habang nag­dagdag naman si Carla Donato ng 12 hits.

Sumuporta sina da­ting Rookie of the Year Nicole Ebuen at Season 93 Finals MVP Regine Anne Arocha na may tig-walong puntos.

Bumagsak ang Lady Knights sa 1-5 baraha.

Nanguna para sa Letran si Miracle Mendoza na naglista ng walong puntos.

Sa men’s division, nag­wagi rin ang Arella­no kontra Letran, 25-13, 25-20, 25-15, upang ma­solo ang ikalawang pu­westo sa 5-1 kartada.

Pumalo si Jesrael Li­berato ng 11 puntos kasunod ang tig-10 marka nina Christian dela Paz at Jethro Cabillan para sa pagmando ng opensa ng Chiefs.

Show comments