IM Nava 2-panalo na
MANILA, Philippines – Nasungkit ni Pinoy IM Roderick Nava ang ikalawang panalo matapos pataubin ang higher-rated na si IM Novendra Priasmoro ng Indonesia sa third round ng 7th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) noong Miyerkules ng gabi sa Tiara Hotel ng Makati City.
Hindi iniinda ni Nava ang kanyang 44th ranking sa 64-player na torneo para biguin si Priasmoro para sundan agad ang kanyang panalo kontra kay Randolph Schain ng Cambodia sa second round noong Martes.
Ang tanging talo ni Nava ay sa kamay ni 12th seed GM Alireza Firouzja ng Iran noong unang araw ng torneo na sinusuportahan nina Sen. Manny Pacquiao, Philippine Sports Commission at NCFP president Butch Pichay.
Sa kanyang dalawang puntos, si Nava na ang may pinakamataas na puwesto sa mga Filipino campaigners sa likuran nina second seed GM Wei Yi ng China at 11 pang iba na hawak ang 2.5 puntos pagkaraan ng tatlong rounds. Kasama ngayon ang Caviteñong si Nava sa 11-way tie sa 13th place.
Tiyak mas malakas na ngayon ang tiwala ni Nava sa kanyang pagharap kay top seed GM Wang Hao ng China na galing din sa panalo sa kanyang kababayang si Wang Shixu. Si Wang ay bumawi agad matapos matalo kay FIDE Master Mohamad Ervan ng Indonesia sa second round.
Nanatiling wala pang talo si IM Haridas Pascua matapos tumabla kay 18th seed GM Abhimanyu Puranik ng India para sa pang-24th na upuan sa 1.5 puntos kasama ang lima pang Filipino campaigners.
Ito na ang ikatlong sunod na draw ng 25-anyos na si Pascua, ang iba ay kay fourth seed GM Santosh Gujarathi Vidit ng India at kay Priasmoro sa second round. Kaharap ni Pascua ang No. 16 seed Nodirbek Yakubboev ng Uzbekistan sa fourth round habang sinusulat ang istoryang ito.
Ang ibang Filipino chessers na kasama ni Pascua sa 24th spot ay sina GM Joey Antonio, IMs Jan Emmanuel Garcia, Ricky de Guzman, FM Mari Joseph Turqueza at Michael Concio, Jr.
- Latest