MANILA, Philippines – Bagama’t masayang nanalo ng mga indibidwal na parangal sina Paul Lee ng Magnolia at Mike Harris ng Alaska, nilinaw nilang hindi ito ang tunay na mis-yon kundi ang madala sa kampeonato ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup ang kani-kanilang mga koponan.
Ayon sa beteranong gwardiya na si Lee na nasungkit ang kanyang unang Best Player of the Conference plum simula nang pumasok sa PBA noong 2011, mauuwi lamang sa wala ang kanyang parangal kung hindi mananalo ang Hotshots sa best-of-seven series.
“Of course, very happy, pero ‘yun nga, mas masaya siguro kung matatapos namin itong championship. Kasi lahat ng ‘yun, parang mawawalang kwenta lahat kapag hindi namin nakuha yung championship,” ani Lee.
Kumolekta si Lee ng 1,013 puntos sa likod ng kanyang average na 17.64 puntos, 4.43 rebounds, 3.14 assists at 1.86 steals upang daigin ang mga karibal na sina Chris Banchero (753) ng Alaska, Christian Standhardinger (659) ng San Miguel, Stanley Pringle (520) ng NorthPort at Japeth Aguilar (398) ng Ginebra para sa pinakamataas na parangal ngayong season-ending conference.
Lahat aniya ng naturang kandidato ay deserving sana sa award at nagkataon lamang na gumanda ang tsansa ni Lee dahil napasok sa Finals ang Hotshots.
“There’s a lot of players who deserve that award. Alam naman natin yun. I just got lucky na nakarating kami ng finals so gumanda yung chance ko lang. Pero alam naman natin, tayong lahat dito, maraming mas may deserve kaysa sa akin,” saad niya.
Gayundin ang sentimyento ng Best Import na si Harris na mas nakatuon aniya ang atensyon sa krusyal na laro kaysa sa simpleng indibidwal na parangal lalo’t nakatabla na ngayon ang Alaska sa serye.