Aljon Mariano 3-taon pa sa Ginebra
MANILA, Philippines — Nabiyayaan ng tumataginting na contract extensions ang maraming mga manlalaro mula sa mga koponang nais mapanatili ang kanilang core para sa nalalapit na Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa susunod na taon.
Pinakamalaking kontrata ang natanggap ni Aljon Mariano ng Barangay Ginebra sa katauhan ng bagong tatlong taon na deal.
Pabuya ito sa 6’4 wingman bunsod ng kanyang magandang performance sa katatapos lang na Go-vernors’ Cup.
Bilang starter ni head coach Tim Cone na pumili sa kanya bilang 16th overall pick, nagrehistro si Mariano ng career-highs na 8.7 puntos, 4.5 rebounds at 1.8 assists na siyang naging malaking tulong sa Ginebra na ininda ang pagkawala nina Sol Mercado, Japeth Aguilar, Greg Slaughter at Joe Devance sa halos kabuuan ng komperensya.
Nagpapatatag din ng core ang Meralco sa one-year extensions nina Jammer Jamito, KG Canaleta at Jason Ballesteros.
Parehong hangad ng Gin Kings at Bolts ang paghihiganti sa Philippine Cup matapos masilat sa Governors’ Cup bilang back-to-back champion at two-time runner-up, ayon sa pagkakasunod.
Matapos makapasok sa semi-finals ng All Filipino conference nitong taon sa unang beses sa franchise history nito, tangka naman ng NLEX ang pagbabalik sa Final Four sa pagpapapirma ng two-year extensions kina Kenneth Ighalo, Raul Soyud at JR Quiñahan.
Kagagaling lang sa impresibong season-ending conference stint kung saan pumanglima sila, nais din ng Blackwater na maipagpatuloy ito sa All Filipino conference sa pagbibigay ng isang taong kontrata kina Rens Palma, Rafael Banal at James Sena.
- Latest