MANILA, Philippines — Maliban sa tagisan nina imports Romeo Travis at Mike Harris, ang turnovers din ang isa sa mga bagay na magiging susi sa championship series ng Magnolia at Alaska para sa 2018 PBA Governor’s Cup.
Nagtala ang Hotshots ng 16.63 turnovers per game kumpara sa mas mababang 14.31 ng Aces.
Humahakot naman ang Magnolia ng average na 15.06 offensive rebounds, samantalang kumakalawit ang Alaska ng average na 14.63.
“Kung sino ang less turnovers at mas marami ang offensive rebounds, siya ang mananalo,” wika ni Phoenix Fuel Masters coach Louie Alas, dating naging assistant ni Aces mentor Alex Compton.
Magsisimula ang best-of-seven titular showdown ng Hotshots at Aces sa Disyembre 5 para sa Game One sa MOA Arena sa Pasay City.
Inaasahan ni NLEX head coach Yeng Guiao na mauuwi sa Game Seven ang nasabing title series ng Magnolia at Alaska.
“The two teams are almost event. Sa tingin ko walang nakakalamang sa kanila,” sabi ni Guiao sa Aces at Hotshots na parehong sinibak ang Meralco Bolts at Ginebra Gin Kings, ayon sa pagkakasunod, sa 3-1 sa kani-kanilang best-of-five semifinals wars para maplantsa ang bakbakan nila para sa kampeonato ng season-ending conference.
Huling naghari ang Alaska ni Compton noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa likod ni PBA Best Import Robert Dozier.
Nagkampeon naman ang Magnolia noong 2014 PBA Governor’s Cup sa ilalim ng pamamahala ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone at sa pangunguna ni import Marqus Blakely.